Umapela ang Malakaniyang sa publiko na huwag ituring na literal ang naging pahayag ng Pangulo na pagpapasagasa sa tren kasama si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya.
Ito’y sa sandaling mabigo ang gubyerno na matupad ang pangakong LRT Line 1 extension project na mag-uugnay sa Baclaran station hanggang sa Bacoor cavite.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, ginawa lamang ng pangulo dahil sa nasasabik lamang ito na makitang tapos agad ang proyekto.
Mauunawaan naman aniya ng mga nasa katuwiran ang hangarin ng pangulo na matapos ang proyekto sa loob ng dalawang taon.
Sa isa pang pahayag, sinabi ng Light Rail Manila Corporation na siya ngayong nangangasiwa sa LRT line 1 na wala pang inilalabas na notice to proceed ang DOTC para sa naturang proyekto kaya’t hindi pa ito maumpisahan.
Depensa naman ni Coloma, sa kabila ng pagkakaantala, magpapatuloy pa rin ang proyekto.
By: Jaymark Dagala