Kinukuryente umano ni Presidential Spokesman Harry Roque ang publiko sa pahayag nito na pasasalamatan pa ng Pilipinas ang China sa mga itinayo nitong gusali at istruktura sa mga artipisyal na isla sa WPS o West Philippine Sea.
Ayon kay Senadora Grace Poe, tila sinabi na rin aniya ni Roque na pasasalamatan ng isang may-ari ng bahay ang mga magnanakaw na nang-ransak at lumimas sa lahat ng bagay na nasa loob ng kaniyang tahanan.
Sa madaling salita ayon kay Poe, malabo ang pahayag ni Roque na mapupunta sa Pilipinas ang mga artipisyal na islang ginawa ng China dahil hindi nito maaaring iwan ang mga istrukturang kanilang pinondohan at itinayo sa nasabing lugar.
Magugunitang ginawa ni Roque ang pahayag kung magagawa umano ng Pilipinas na paalisin ang China sa mga inaangkin nitong teritoryo sa West Philippine Sea na nasa ilalim ng EEZ o Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Cely Ortega-Bueno
Posted by: Robert Eugenio