Kinastigo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana si PSG o Presidential Security Group Commander B/Gen. Lope Dagoy sa inilabas nitong pahayag.
Kasunod ito ng ginawang pagharang ng isang tauhan ng PSG kay Rappler reporter Pia Ranada – Robles para makapasok sa bisinidad ng Malakaniyang alinsunod sa kautusan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Lorenzana, hindi dapat nagbibitiw ng gayung pahayag ni Dagoy lalo’t wala itong karapatan para pagbantaan o saktan ang sinumang mamamayan ng bansa.
Magugunitang sinabi ni Dagoy na isang pambabastos kung maituturing ang ginawang pagtutok ni Ranada ng mikropono sa kaniyang tauhan para tanungin hinggil sa ban order gayung ang dapat aniya nitong hinihingan ng panig ay si PCOO Secretary Martin Andanar.
Binalaan pa ni Dagoy si Ranada na kung uulitin pa niya ang naturang pambabastos sa sinuman sa kaniyang mga tauhan ay hindi ito mangingiming pagbawalan silang makapasok sa buong Malacañang Complex.
Posted by: Robert Eugenio