Tila sinapian din umano ng masamang espiritu si incoming Presidential Spokesman Representative Harry Roque katulad din ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iyan ang naging buwelta ni Senador Antonio Trillanes IV sa pahayag ni Roque na kaniyang babatuhin ng adobe at hallow blocks ang mga magbabato ng kritisismo at mga batikos laban sa administrasyon.
Magugunitang personal na pinili ni Pangulong Duterte si Roque bilang bagong tagapagsalita nito na itatalaga sa ranggong kalihim kapalit ni dating Undersecretary Ernesto Abella.
Kilalang kritiko ni Pangulong Duterte si Trillanes na siyang nagsiwalat ng mga umano’y tagong yaman ng Pangulo noong panahon ng kampanya.
Una nang nilinaw ni Roque na bilang litigation lawyer, batid niya ang kaniyang mga sinasabi kaya’t pinayuhan niya ang mga kritiko ng Pangulo na huwag na huwag maging sensitibo sa mga buwelta sa kanilang kritisismo.