Welcome kay Presidential Spokesman Harry Roque ang hirit na ipa-cite siya for contempt ni dating Palawan Governor Joel Reyes sa Court of Appeals.
Kaugnay ito sa naging komento ni Roque nang payagan ng Appelate Court na mapalaya si Reyes hinggil sa kaso ng pagpatay sa environmentalist at mamamahayag na si Doc. Gerry Ortega.
Ayon kay Roque, pinayagan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng kaniyang sariling pahayag sa isyu lalo’t minsan na rin siyang nagsilbing abogado ng Pamilya Ortega bago mapuwesto sa Malakaniyang.
Una nang inihayag ni Roque na gagamitin ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang mabaliktad ang naging pasya ng Appelate Court na palayain si Reyes sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General.
Bagay na kinuwesyon naman ni Reyes dahil sa posible aniya itong magdulot ng conflict of interest dahil sa paggamit ni Roque ng kapangyarihan para siya’y idiin at maipakulong muli.