Pinalagan ng mga mambabatas mula sa Makabayan Bloc ang naging alegasyon laban sa kanila ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ito’y makaraang ihayag ni Alvarez ang kaniyang hinala na miyembro umano ng CPP-NPA at NDF ang Makabayan Bloc at nakikinabang umano sa mga nakokolekta nitong revolutionary taxes.
Kapwa inihayag nila BAYANMUNA Partylist Rep. Carlos Zarate at ACT Partylist Rep. Antonio Tinio na isang malisyoso at walang batayan ang mga pahayag na iyon ni Alvarez.
Nais lamang anilang pagtakpan ng speaker ang mga pork barrel allocations na pinilit umanong isingit sa ipinasang 2018 national budget na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.