Matapos kuyugin sa social media kamakailan, pinanindigan ni dating Senador Panfilo Lacson ang kanyang pagtutol sa panukalang paid menstrual leave na isinusulong sa kamara.
Iginiit ni Lacson na magiging counter-productive ang nasabing hakbang, lalo’t maaaring hindi maibigay ng mga employer ang dagdag na 24-day leave per year at maaaring magresulta sa tanggalan sa trabaho at pagsasara ng mga negosyo.
Magugunitang umani ng batikos mula sa netizens ang social media post ng dating presidential candidate na dapat maghain na rin ng panukalang batas para sa menoupause at andropause allowances upang mapataas ang testosterone level ng mga manggagawa.
Tila hindi anya napagtanto ng mga proponent ng House Bill 7758 o two-day-a-month menstrual-leave-with-pay at mga ordinaryong manggagawang babae sa bansa na may malaking epekto ang additional 24 days-leave with pay kada taon.
Bukod pa kasi ito sa 105 days na maternity leave, 7 days na paternity leave, 5 days na sick leave, kabilang ang 13 hanggang 18 days na vacation leave kada taon.
Binigyang-diin ng dating mambabatas na kung isasabatas ang naturang panukala ay maaaring mag-atrasan ang mga long-term investments ng mga prospective employers.
Ipinunto ni Lacson na isang pro-labor measure ang bill lalo’t 49% ng populasyon ay babae pero dapat ikunsidera ang napakalaking epekto nito sa ekonomiya.