Hinimok ng pamunuan ng Department Of Transportation (DOTr) ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan na makilahok sa ‘service contracting program’ na isinusulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, sa ilalim ng programa, tutulungan ang mga driver na magkaroon ng karagdagang kita.
Ito’y sa pamamagitan ng pagbibigay ng ‘incentives’ batay sa kani-kanilang performance o sa distansyang itinakbo ng mga ito.
Paliwanag ng LTFRB, ang mga driver ng mga traditional at modern jeepneys ay makatatanggap ng P11 kada kilometro, habang P23.10 kada kilometrong itinakbo naman para sa mga driver ng public buses.
Mababatid na sa bayanihan 2, ay naglaan ng higit P5-B pondo para maisakatuparan ang naturang programa at mabigyang tulong ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan.
Sa ngayon, nasa ika-3 araw na ng general registration at orientation program sa Quezon City memorial circle at magtatagal hanggang sa Nobyembre 29.