Hinimok ng CBCP o Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang lahat ng Katoliko sa buong bansa na makiisa sa Earth Hour sa Sabado, Marso 25, mula alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi.
Ayon kay CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, ito’y bilang pasasalamat sa biyayang ipinagkaloob ng Diyos tulad ng pagkakaroon ng suplay ng kuryente, tubig at maging pagkain.
Idinagdag pa ni Villegas na sa pamamagitan ng pagpatay ng electric gadgets sa loob ng isang oras, magiging daan ito sa pagtitipid ng enerhiya at pagpapakita ng suporta sa kampanya laban sa climate change.
Una nang isinagawa ang Earth Hour noong 2007 sa Sydney, Australia at agad itong inilunsad sa Pilipinas noong 2008 kung saan ito ang kauna-unahang bansa sa Asya na nakiisa sa nasabing programa.
By: Meann Tanbio