Hinimok ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng Office of Civil Defense ang publiko na makiisa sa gaganaping 2nd quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa Huwebes ganap na alas nuebe ng umaga bilang paghahanda sa panganib dulot ng paglindol.
Sa pamamagitan ng isinagawang Disaster Preparedness webinar ng ahensya ngayong araw inisa-isa dito ang kahalagahan ng pagiging handa at mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng mga sakuna gaya ng lindol.
Ayon kay Asian Disaster Preparedness Center Program Officer Mr. Edwin Salonga mahalaga na maintindihan kung ano ang mga panganib para magawa ang mga paghahandang dapat gawin.
Sinabi naman ni Civil Defense Assistant Secretary Hernando Macaraig higit na mahalaga na maisabuhay ang mga kaalaman sa paghahanda sa panahon ng mismong sakuna.
Nabatid na isinagawa ang 1st quarter ng NSED nitong Marso at apat na beses itong ginaganap sa loob ng isang taon bilang paghahanda sa panganib na dulot ng lindol. – sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)