Sinopla ng Malakaniyang ang Simbahang Katolika sa naging pahayag nito na hindi kailanman nakikisama sa mga kilos protesta ang Australian Missionary na si Sr. Patricia Fox.
Kahapon, ipinakita ni Presidential Spokesman Harry Roque ang larawan ni Fox na nagsasalita sa harap ng mga rallyista sa distribution center ng Coca-Cola sa Davao city nuong Abril 9.
Ayon kay Roque, malinaw na hindi nagsasabi ng buo o kung hindi man ay nagsisinungaling si Fox sa mga obispo ng Simbahang Katolika dahil may mga hawak siyang katibayan na magpapatunay na nakikilahok nga ito sa mga demonstrasyon.
Una nang sinabi ni Fox na hindi siya nakikilahok sa mga political rallies at tanging pagtataguyod lang sa karapatan ng mahihirap at mga pinabayaan na ng lipunan ang kaniyang sinasamahan.
Magugunitang inaresto nuong Lunes si Fox ng mga tauhan ng Bureau of Immigration alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bantayan si Fox dahil sa pakiki-alam umano nito sa mga usaping panloob ng Pilipinas.