Nananawagan ng Department Of Health (DOH) sa mga pasahero ng Emirates flight E-K 322 na nakasabay ng unang Pilipinong nahawaan ng bagong UK variant ng COVID-19 sa bansa na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 92 sa 159 na iba pang pasahero ng naturang eroplano ang na-contact na ng mga awtoridad.
Gayunman, 52 pa lamang sa 92 ang sumagot sa tawag ng mga contact tracers.
Sinabi ni Vergeire, karamihan sa mga sinubukang tawagan ng mga contact tracers ay nagbigay ng numero ng telepeno na mali, unattended, cannot be reached o hindi na gumagana.
Iginiit ni Vergeire, mahalagang makipag-ugnayan sa awtoridad ang mga naturang pasahero para matukoy kung nagtataglay din sila ng katulad na variant ng coronavirus at mapigilang kumalat ito sa bansa.
Samantala, tiniyak naman ng opisyal na naka-isolate na ang mga close contact ng unang Pilipino natukoy na nagtataglay ng UK COVID-19 variant at nakatakda na ring isailalim sa tests.
Kabilang aniya rito ang nanay, dalawang kapatid at girlfriend ng nabanggit na pasyente.