Tiniyak ng Department of Foreign Affairs o DFA na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa embahada ng Norway at Canada kaugnay sa aksyon ng Pilipinas upang mailigtas ang mga banyagang dinukot sa Samal Island.
Bukod kasi sa isang Pinay na kinilalang si Marites, dalawang Canadian na sina John Ridsel at Robert Hall at isang Norwegian din na si Kjartan Sekkingstad ang mga biktima ng pagdukot noong Lunes ng gabi.
Gayunman, tumanggi nang ilahad pa ni Jose ang kabuuang detalye ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga nasabing embahada.
Kaugnay nito, sinigurado rin ni Jose na may mga karagdagang seguridad ang isinasagawa ng pamahalaan kaugnay ng pagdaraos ng APEC leader’s meeting sa Nobyembre.
Sa katunayan aniya ay plano na nilang ipatupad ang dagdag na seguridad kahit malayu-layo pa ang Nobyembre.
Binigyang diin niya na itutuloy ang APEC Summit alinsunod sa itinakdang petsa.
FBI
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika sa special investigation task group na tumututok sa kaso ng pangingidnap sa 3 dayuhan at 1 Pinay sa Samal Island.
Kinausap ng apat na ahente ng FBI ang nakatakas na mag – asawang Amerikano at Japanese.
Habang nag ikot- ikot rin ang mga ito sa mga beach resort sa Davao.
Paglilinaw ng FBI, hindi sila makikialam sa ginagawang pagsisiyasat ng Philippine authorities.
Motibo
Tinitignan na ng mga otoridad ang anggulong may kinalaman sa trabaho ang nangyaring kidnapping sa Samal Island.
Ayon kay Police Senior Supt. Aaron Aquino, Deputy Regional Director for Operation ng Police Regional Office 11, dating operations manager ng isang malaking kumpanya ng pagmimina ang dinukot na Canadian.
Habang manager naman ng resort ang biktimang Norwegian.
Posible aniyang may nasagasaan ang dalawa sa kani- kanilang mga negosyo.
By Rianne Briones | Allan Francisco