Hindi pipigilan ng Malacañang si Philippine Ambassador to the United States Jose “Babes” Romualdez sa pakikipag-usap sa kanyang counterpart sa Amerika hinggil sa isyu ng pagpasok sa isang bagong kasunduang militar.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, bahagi ng diplomasya ang pagtanggap ng ambassador sa anumang alok ng pag-uusap mula sa kanyang mga counterpart.
Sa kabila naman ng posibilidad ng mga exploratory talks sa pagitan nina Romualdez at U.S. Ambassador Sung Kim, iginiit ni Panelo na nananatili pa rin ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag ni Panelo, itinanggi na rin aniya ni Romualdez na nakikipag-usap siya sa Amerika para pag-aralan ang pagbuo ng panibagong military agreement na posibleng maging kapalit ng visiting forces agreement (VFA).