Pinayuhan ni Sen. Richard Gordon si Pangulong Rodrigo Duterte na ipaubaya na lamang kay Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin ang pakikipag-usap sa ambassador ng China ukol sa sinasabing panghihimasok ng mga Chinese militia vessel sa reef sa West Philippine Sea.
Ayon kay Gordon, magmumukha kasi tayong basang sisiw sa oras na tanggihan o hindi pakinggan ng ambassador ng China anuman ang hilingin ng pangulo kaugnay sa naturang isyu.
Naniniwala si gordon na kapag kinausap ng pangulo ang ambassasor ng China, tiyak na uulitin o igigiit lang nito ang kanilang official policy sa usapin.
Una rito,bagamat naghain na ng diplomatic protest ang ating gobyerno sa namataan na higit 200 Chinese militia vessel sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea, hindi pa rin umaalis ang mga ito.
Dagdag pa ni Gordon na ang panghihimasok na naman ng China sa ating territory ay salungat sa kanilang ipinapangalandakan na pakikipagkaibigan sa Pilipinas.
Magugunitang sinabi ng Malakaniyang na plano ng pangulo na kausapin ang ambassador ng China upang linawin ang nasabing isyu. -–ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)