‘Very successful’ ayon kay Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez ang naging pakikipagnegosasyon ng pamahalaan sa pitong manufacturers ng COVID-19 vaccine.
Sa Laging Handa briefing sinabi ni Galvez na nagpapatuloy ang maganda nilang pakikipag-usap sa mga vaccine makers, pero hindi pa aniya maaring ianunsyo kung maaaprubahan ang kasunduan dahil kailangan munang magkaroon ng pinal na konklusyon sa isinasagawa nilang negosasyon.
Paliwanag ng kalihim, nag-request kasi aniya ang mga vaccine makers na huwag munang i-anunsyo hangga’t wala pang napipirmahang term sheet ang magkabilang panig.
Pero tiniyak ni Galvez na positibo at maganda ang itinatakbo ng ginagawa nilang pakikipag-usap sa pitong manufacturer na kinabibilangan ng Pfizer, Novovax, Johnson and Johnsons, Sinovac, Gamaleya, Moderna at ang abot kaya aniyang bakuna na AstraZeneca.
Kasunod ani Galvez, inaasahang aabot sa 148 milyon ng bakuna ang makukuha sa kanila ng bansa at maari pang madagdagan ng 40 milyong vaccine mula naman sa Covax.
Sa kabuuan, ayon kay Sec. Galvez, nasa mahigit 180 milyong doses ng vaccine ang nakatakdang angkatin ng Pilipinas mula sa ibat ibang mga bansa.