Nanawagan ang Malacañang sa publiko na makipagtulungan at sumunod sa ipinatutupad ngayon na community quarantine sa Metro Manila sa gitna ng banta ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo, punto ng inisyung direktiba ng Office of the President ay pigilan ang pagkalat ng COVID-19 at higit sa lahat, ang tuluyang mawala na ang mapanganib na sakit sa bansa.
Matatandaang noong nakalipas lamang na Huwebes, itinaas na ng pamahalaan sa Code Red Sub-Level 2 ang alerto sa buong bansa dahil sa banta ng COVID-19.
Kasabay nito, inanunsyo rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim na sa community quarantine ang Metro Manila upang hindi na kumalat pa ang virus.