Bumuhos ang pakikiramay sa pamilya Señeres sa pagpanaw ng kanilang haligi na si dating ambassador at mambabatas na si Representative Roy Señeres.
Sa isang pahayag, ipinaabot ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma ang pakikiramay ng Malacañang para sa naiwan ng yumaong mambabatas.
Sinabi ni Coloma na kanilang kinikilala ang mga naging ambag ni Señeres sa sektor ng mga manggagawa.
Ipinagluluksa naman ng kanyang mga kasamahan at kapwa mambabatas sa kamara ang pagpanaw ni Señeres.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte, isang malaking kawalan si Señeres para sa mga Overseas Filipino Worker o OFW community na kanyang ipinaglalaban ang karapatan.
Unang nanilbihan si Señeres bilang ambassador sa Saudi Arabia noong Ramos administration kung saan, pinangunahan nito ang pagpapalaya kay Sarah Balabagan.
Nanungkulan din si Señeres bilang Chairman ng National Labor Relations Commission o NLRC sa panahon naman ng Estrada administration.
Nagpahayag ng kanyang pagkandidato ngayong eleksyon si Señeres sa pagka-pangulo ngunit umatras din dahil sa usaping pangkalusugan.
Pumanaw si Señeres kahapon sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig sanhi ng cardiac arrest.
Duterte
Ikinalungkot din ni Presidential aspirant at Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pagpanaw ng kanyang dating katunggali sa pagka-pangulo na si Cong. Roy Señeres.
Ayon kay Mayor Duterte, kaisa siya ng pamilya Señeres sa panahon na ito ng kanilang pagdadalamhati.
Nagkakaisa aniya sila ng yumaong mambabatas ng adbokasiya laban sa kontraktwalisasyon at pagpapahalaga sa sektor ng manggagawa.
Magka-brod sina Duterte at Señeres sa Lex Talionis Fraternitas dahil kapwa sila pumasok sa San Beda College Law School.
By Jaymark Dagala