Nabunyag na napakaliit lamang ng pakinabang ng pamahalaan sa mining industry kapalit ng pagkasira ng ating kapaligiran.
Ayon kay Director Leo Jasareno ng DENR Mines and Geosciences Bureau, nasa 2 porsyento lamang ng kabuuang kita ng mining company ang share ng gobyerno na paghahatian pa ng national government at ng local government unit.
Mayroon na anya silang panukalang batas na itaas sa 10 porsyento ang share ng komunidad at LGU upang makapantay man lamang sa ibang bansa subalit ibinasura ito ng Kongreso.
“Dun sa panukalang yun kasama rin po yung isang probisyon na agad na ibigay yung share ng local government, ang hatian ng local at national ay 60 percent po sa national at 40 percent po sa local, kaya lang ang nangyayari is yung share ng local ay pumupunta muna sa national at binabalik yan sa local pagkatapos ng 1 o 2 taon, sa panukalang diretso na po sa local ang kanilang share.” Ani Jasareno.
Samantala, kumbinsido ang DENR- Mines and Geosciences Bureau na mabubuhay pa rin ang industriya ng pagmimina sa ilalim ng pamamahala ni incoming Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez.
Ayon kay Director Leo Jasareno, hepe ng DENR-MGB, nilinaw naman ni Lopez na hindi siya kontra sa tamang pagmimina kundi sa pagmimina na nakakasira sa kapaligiran.
Matatandaan na nagbasakan ang mining stocks makaraang ihayag ang appointment kay Lopez bilang DENR Secretary.
Aminado si Jasareno na sa kasalukuyan, maraming mining companies ang lumalabag sa batas sa pagmimina.
Sa 42 anyang large scale mining companies sa bansa, nasa 24 ang may violations maliban pa sa halos 200,000 small scale miners na hindi sumusunod sa tamang pangangalaga sa kapaligiran.
Nagpahayag ng pagasa si Jasareno na papasa na sa ilalim ng Duterte administration ang panukala nilang mas mabigat na kaparusahan sa mga minahan na lumalabag sa batas.
“Kung ang bagong kalihim ay magme-maintain ng mataas na standard at susundin at walang exempted may mga magsasara pong minahan. May maaapektuhan po dahil may mga nakikinabang pong barangay dito, may mga scholarship, may social development program, kapag sinara po natin yan ay may mga maaapektuhan.” Pahayag ni Jasareno.
No go zone
Lumawak na ang mga lugar sa bansa na hindi puwedeng galawin ng mga mining companies.
Ayon kay Jasareno, 2012 pa ay naglabas na ng executive order ang Aquino administration para sa no go zone.
Tinukoy ni Jasareno ang mga tourism development areas, prime agricultural lands, fisheries development zone at island ecosystems na tutukuyin ng DENR.
Maliban sa mga bawal na lugar, nakasaad rin sa EO ang pagpapatupad ng moratorium sa pagbibigay ng bagong mining agreements hanggang sa makabuo ang kongreso ng revenue sharing scheme sa pagitan ng pamahalaan at mining firms.
Nakapaloob rin dito ang pagtatalaga ng isang lugar na tatawaging minahan ng bayan para sa small scale miners at pagbabawal sa paggamit ng mercury sa small scale mining.
Bahagi ng pahayag ni DENR-MGB Director Leo Jasareno
‘Kontra Mina’
Nilinaw naman ng Alyansang Tigil Mina na hindi sila kontra sa pagkakaroon ng industriya sa pagmimina sa bansa.
Ayon kay Jayvee Garganera, National Coordinator ng Alyansang Tigil Mina, nagpetisyon lamang sila na magkaroon ng mas mahigpit na mga panuntunan sa pagmimina.
Ipinaliwanag ni Garganera na kinilala nila ang papel ng mineral sa pag-unlad ng isang bansa.
Nabuhayan anya sila ng loob nang maitalaga bilang DENR Secretary si Ginang Gina Lopez na kasama sila sa pagtutulak ng kanilang adbokasiya kontra sa maling pagmimina.
Bahagi ng pahayag ni Alyansang Tigil Mina National Coordinator, Jayvee Garganera
By Len Aguirre | Ratsada Balita