Eksaktong dalawang linggo bago ang national at local elections, nalagasan na naman ng supporters si presidential candidate at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Ito’y makaraang lumipat ang isang paksyon ng Partido Federal ng Pilipinas na una nang nag-endorso sa kandidatura ni Yorme, sa kampo ni Vice President Leni Robredo.
Ang naturang paksyon ay pinangungunahan ng national chairman nitong si Dating National Commission for Muslim Filipinos Commissioner Ahubakar Mangelen.
Ayon sa PFP–Mangelen faction, naniniwala sila sa liderato at kakayahan ni Robredo na pamunuan ang bansa sa gitna ng pandemya at economic crisis patungo sa recovery at pag-unlad.
Napagtanto anila ng partido na kailangan ang mas malakas na team upang talunin ang pinaka-malaking banta sa bansa at demokrasya, na si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Naniniwala rin ang PFP-Faction na si Marcos ay isa sa “mga hindi kwalipikado sa lahat ng kandidato” lalo’t mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na “weak leader” si BBM.