Kinumpirma ng Philippine Airlines (PAL) na napilitang bumalik o nagkaroon ng emergency landing ang isa sa kanilang eroplano na patungo sanang Maynila mula Los Angeles International Airport (LAX).
BASAHIN: Opisyal na pahayag ng Philippine Airlines kaugnay sa isa nilang aircraft na patungo sana ng Maynila ngunit napilitang bumalik sa Los Angeles Airport matapos magkaroon ng technical problem | via @raoulesperas pic.twitter.com/AFz73xyz86
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) November 21, 2019
Umalis ang Boeing CO 777 ng PAL sa LAX dakong alas-11:12 ng umaga ng Huwebes, ika-21 ng Nobyembre, (oras sa Los Angeles).
Ilang minuto lamang matapos nitong mag-take off ay nagdeklara ng ‘emergency’ ang mga piloto ng Flight PR113 dahil sa posibleng engine failure ng naturang eroplano.
Ayon sa PAL, nasa kabuuang 347 ang bilang ng mga pasahero at 18 crew members ang sakay ng eroplano at ligtas na nakalapag pabalik sa LAX dakong alas-12 ng tanghali (oras sa Los Angeles).
Wala ring naitalang nasugatan o na-injured sa naturang pangyayari.
Agad namang rumesponde ang operations team ng PAL upang asistihan ang mga pasahero at magbigay ng suportang medikal sakaling kailanganin ito.
Samantala, nanindigan naman ang PAL na ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero ang kanilang prayoridad at patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang paliparan at mga otoridad. — ulat ni Raoul Esperas (Patrol 45)