Tinanggal sa trabaho ng Philippine Airlines (PAL) ang nasa 300 nilang mga empleyado bilang bahagi ng kanilang business restructuring plan.
Ito ay upang makabawi sa mga nawalang kita bunsod ng mga ipinatupad na travel restrictions sa ilang mga lugar na apektado ng coronavirus disease (COVID-19).
Sa anunsiyo ng PAL, nagpatupad sila ng voluntary separation initiative para sa mga matatagal na nilang mga empleyado at retrenchment process na nakumpleto na noong Huwebes, Pebrero 28.
Tiniyak naman ng PAL na makatatanggap ng mga nararapat na separation benefits, dagdag na trip pass privileges at tulong sa pamamagitan ng career counseling at paghahanap ng bagong trabaho ang mga tinanggal nilang empleyado.
Dagdag ng PAL, patuloy din silang nakatututok sa pangangasiwa at pag-iingat laban sa mga bantang dulot ng COVID-19 gayundin ang pagtulong sa mga Pilipinong magmumula sa mga lugar na apektado ng virus.