Aminado ang Malakanyang na posibleng may sumunod pang Oakwood mutineer na mapawalang bisa rin ang amnestiya.
Kasunod ito nang pag balewala ng Pangulong Rodrigo Duterte sa amnesty na ibinigay ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kay Senador Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nauna lamang napagpasyahan ang kaso ni Trillanes batay na rin sa mga dokumentong nagsasabing wala itong application for amnesty at hindi pag-amin ng kasalanan.
Lahat aniya ng mga amnesty na ipinagkaloob sa mga nag-alsa sa gobyerno ay bubusisiin din kung sumunod sa mga requirements.
Sinabi ni Roque na walang ibang sisihin si Trillanes kundi ang sarili dahil sa hindi pagtupad sa mga kinakailangang proseso at requirement ng amnesty.