Welcome sa Malakaniyang ang naging pasya ng ICC o International Criminal Court na imbestigahan ang mga umano’y paglabag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa karapatang pantao sa ilalim ng war on drugs.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sinabi sa kaniya ng Pangulo na magandang pagkakataon ito para patunayang mali ang mga akusasyong inilahad ni Senador Antonio Trillanes IV.
Kumpiyansa ang Palasyo na matibay ang merito ng Pangulo sa kaniyang pagpapatupad ng war on drugs na bahagi ng kaniyang sinumpaang tungkulin sa mga Pilipino laban sa anumang bantang pangseguridad ng bansa.
Nanindigan si Roque na hindi maituturing na isang uri ng pag-atake sa civilian population ang maigting na kampaniya laban sa iligal na droga na nagresulta sa pagkakapatay sa mga hinihinalang drug suspects.
Kasunod nito, tiniyak ni Roque na mabibigo lamang ang mga kalaban ng administrasyon na siyang nasa likod ng paghahain ng kaso laban sa Pangulo na ang tanging layunin aniya ay ipahiya ang Pilipinas sa mata ng mundo.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jopel Pelenio
Posted by: Robert Eugenio