Nanindigan ang Malakanyang na hindi kailanman yuyuko si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pahayag ng CPP-NPA-NDF o Communist Party of the Philippines – New People’s Army at National Democratic Front.
Ito’y ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar kasunod ng mga inilatag na kundisyon ng pangulo upang muling ituloy ang peacetalks sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde.
Sinabi ni Andanar na hindi na bago para sa pangulo ang banta ng mga komunista na isabotahe ang pamahalaan dahil matagal na nila aniya iyong ginagawa.
Wala ring epekto sa pamahalaan kung hindi aniya tatalima si CPP Founding Chairman Jose Maria Sison sa mga inilatag na kundisyon ng pangulo bago ilunsad ang ika-limang round ng usapang pangkapayapaan.
Magugunitang inihayag ni Sison na buo na ang kaniyang pasya na huwag nang umuwi ng Pilipinas hangga’t nananatili sa puwesto si Pangulong Duterte.