Umalma ang Palasyo sa naging pahayag ni Cagayan Governor Manuel Mamba na dapat bawasan ang pa-sweldo sa mga guro dahil wala naman aniya silang ginagawa ngayong panahon ng may pandemya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, walang katotohanan ang pahayag ng gobernador na walang ginagawa ang mga guro.
Sa katunayan ani Roque, nagpapasalamat ang palasyo sa ginagawang pagsasakripisyo ng mga guro na kitang-kita ani Roque sa pagsisimula ng blended learning sa bansa.
Dinipensahahan din ni Education Secretary Leonor Briones ang mga guro, at sinabing noong hindi pa nagsisimula ang klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa, ay abala na ang mga ito sa pagte-training para maayos na maipatupad ang bagong paraan ng edukasyon sa bansa.
Paliwanag pa ni Briones, ang mga master teachers ang siyang nakatoka sa pagsasagawa ng mga learning modules, habang ang mga school superintendent naman ay patuloy na nagtatrabaho para sa learning continuity program.