Hindi umano pababayaan ng Malakaniyang ang mga lokal na magsasaka na apektado ng rice tariffication law.
Ito ang tiniyak ng Palasyo matapos dumaing ang mga magsasaka matapos bumagsak ang presyo ng bentahan ng palay sa 7 hanggang 10 pesos lamang kada kilo ngayong taon.
Higit itong mababa kumpara sa 17 pesos hanggang 21 pesos kada kilo noong 2018.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, tinutugunan na at hindi pababayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing problema ng mga magsasaka.
Dagdag pa ni Panelo, posibleng talakayin din ni Agriculture Sec. William Dar sa natakdang cabinet meeting ang tungkol sa pahayag ng ilang magsasaka na mapipilitang ibenta ang kanilang sakahan sakaling magpatuloy ang pagbaba ng presyo ng palay.
Una nang nagpautang ang Department of Agriculture ng P15,000 sa 1,000 magsasaka sa Nueva Ecija upang pangtustos sa kanilang mga pangangailangan o makinarya sa pagsasaka.