Hindi matiyak ng Malacañang kung bubuksan ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping ang usapin hinggil sa ilang ulit na pagdaan ng mga barkong pandigma ng China nang walang paalam sa Sibutu Strait sa Tawi-Tawi.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nasa pagpapasiya na ni Pangulong Duterte kung kanyang isasama sa mga tatalakaying isyu kay President Xi ang walang permisong pagdaan ng mga Chinese warship sa karagatan ng bansa.
Magugunitang tatlong Chinese naval vessels ang napaulat na dumaan sa Sibutu Strait nitong Agosto habang dalawa naman noong nakaraang buwan.
Una nang inanunsyo ni Pangulong Duterte na kanyang igigiit kay Xi ang naipanalong arbitral ruling ng Pilipinas laban sa China kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea sa kaniyang nakatakdang biyahe sa China sa huling linggo ng Agosto.