Dumistansya ang Malacañang sa girian ng matataas na opisyal ng Commission on Elections o COMELEC.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, mainam na hayaan na lamang makapag-usap sina Chairman Andres Bautista at mga commissioner nito para ayusin ang gusot sa kanilang hanay.
Panloob na usapin ng COMELEC aniya ang sigalot sa pagitan ng mga opisyal kaya’t dapat lamang sila-sila ang mag-usap bilang isang independent constitutional body.
Magugunitang nagpalabas ng memorandum ang mga COMELEC Commissioner laban kay Bautista para kuwestyunin ang naging pamumuno nito sa poll body.
Samantala, nakatakdang pulungin ni COMELEC Chairman Andres Bautista ang kanyang mga kasamahan sa poll body sa sandaling bumalik na ito sa bansa.
Kaugnay ito sa ipinalabas na memorandum ng mga COMELEC Commissioner laban kay Bautista na kukuwestyon sa kanyang liderato.
Una rito, umaasa si COMELEC Commissioner Christian Robert Lim na hindi pepersonalin ni Bautista ang ipinalabas nilang memo.
Tanging nais lamang anito ay makausap nila si Bautista upang malinawan hinggil sa mga usaping bumabalot sa COMELEC.
Sinamahan ni Bautista ang kanyang anak sa bansang Japan at nangako ito na pagbibigyan ang hiling na pakikipagdiyalogo sa kanyang mga kasamahan.
Bautista binatikos ng mga kasamahan sa COMELEC
Muling binatikos ng kanyang mga kasamahan si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista matapos na magtungo sa Japan noong Huwebes, kasama ang kanyang anak nang hindi nagtatalaga ng officer-in-charge (OIC).
Ayon kay COMELEC Commissioner Christian Robert Lim, hindi nag-iwan ng OIC si Bautista upang humalili pansamantala sa kanya nang mag-leave ito.
Sinabi naman ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na umalis si Bautista nang walang travel authority mula sa poll body.
Napaulat na hiniling ni Guanzon sa Bureau of Immigration (BI) na imbestigahan ang hindi awtorisadong pagbiyahe ni Bautista.
Nilinaw naman ni Bautista na nag-isyu siya ng travel alert at may mga existing memos naman na nagsasaad na ang senior commissioner ang dapat na umaktong acting chairman, sa panahong wala ang COMELEC Chair.
By Jaymark Dagala | Mariboy Ysibido