Tikom ang bibig ng Malakanyang sa panawagang sibakin na ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) at tuluyang pagbuwag sa ahensya dahil sa bigo umano ang mga ito na tugunan ang mga problema sa bigas ng bansa.
Gayunman inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na nababahala na ang Malakanyang sa mga napapaulat na problema ukol sa bigas partikular na ang natuklasang mahigit isang libong sako ng bigas na binubokbok na sa Subic.
Ayon kay Roque, hindi katanggap-tanggap ang ganitong pangyayari lalo’t mahigit anim na bilyong piso aniya ang inilalaan ng gobyerno sa bawat dalawang daan limampung libong metriko toneladang bigas na inaangkat mula sa ibayong dagat.
Hindi rin naitago ni Roque ang pagkairita sa pahayag ng NFA na pwede pa namang kainin ang mga binubokbok na bigas.
Magugunitang, kinain ni NFA Administrator Jason Aquino ang bigas na binukbok at isinailalim sa fumigation at quarantine upang patunayan na ligtas pa rin itong kainin.