Tumangging magkomento ang Malacañang hinggil sa kaliwa’t kanang batikos na ibinabato laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito’y makaraang punahin ang pagiging missing in action ng Bise Presidente sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Nina partikular na sa kanyang baluwarte sa Camarines Sur.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, wala sila sa lugar upang magbigay ng komento sa nasabing usapin o di kaya’y husgahan ang Pangalawang Pangulo.
Magugunitang inamin mismo ng tagapagsalita ni Robredo na si Georgina Hernandez na nasa Amerika ang Bise Presidente para sa kanilang family reunion.
Ngunit pagtitiyak ng kampo ng Pangalawang Pangulo, napaghandaan na nito ang tulong na ibibigay sa mga sinalanta ng bagyo maging kababayan man niya iyon sa Naga City o hindi.
By Jaymark Dagala