Dumistansya ang Malacañang sa mga social media accounts ng mga taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod na rin ito ng naging pasya ng Facebook na tanggalin ang 200 na pages at accounts ng mga tagasuporta ni Pangulong Duterte at pinaniniwalaang pinatatakbo ng social media manager nito na si Nic Gabunada.
Pagtitiyak ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, walang pera ng taumbayan ang nagagamit sa mga nasabing social media accounts.
Wala rin aniyang kinalaman si Pangulong Duterte sa mga nasabing account dahil hindi naman aniya ito interesado sa social media.
Iginiit din ni Panelo, hindi lamang social media ang nagpanalo kay Pangulong Duterte noong 2016 presidential elections bagama’t aminado siyang malaki rin ang naitulong nito.
Ipinunto ng kalihim, tamang timing at pangangailangan ng Pilipinas ng isang katulad ni Pangulong Duterte ang nagpanalo dito sa halalan.
—-