Dumistansya ang Malacañang sa report na isa umano si presidential son at Congressman Paolo “Pulong” Duterte sa mga kumikilos sa kamara para hindi makakuha ng boto sa mga kongresista ang panukalang pagbibigay muli ng prangkisa sa ABS-CBN.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bagamat miyembro ng kamara ang batang Duterte, isa lamang ito sa mga boboto sa usapin ng Kapamilya franchise.
Mayroon aniyang mahigit 300 mambabatas ang kamara kaya’t hintayin na lamang kung ano ang resulta ng botohan.
Lumutang sa report na nagsanib-puwersa umano si Pulong at Iglesia ni Cristo para i-pressure umano ang mga mambabatas na tuluyang ipasara ang media giant at kung susuway ay tatapatan ng zero project.