Hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang Malakanyang at kongreso sa pagpapahinto sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ito ang iginiit ni senate minority leader Koko Pimentel sa gitna nang mga pahayag ni senador Imee Marcos na pinag-iisipan na ni Pangulong Bongbong Marcos ang ban sa POGO.
Ayon kay Pimentel, dapat ay agad ding ipag-utos ang total ban sa mga POGO, lalo’t mapanganib para sa bansa ang patuloy na operasyon nito.
Katumbas anya ito sa pagkakanlong ng mga posibleng kriminal at gangster na maaaring maka-apekto sa peace and order, lalo pa ngayong sunud-sunod ang insidente ng kidnapping sa bansa na may kaugnayan sa POGO.
Idinagdag ni Pimentel na dapat agad pakinggan ng Palasyo ang panawagan dahil nagiging playground ang bansa ng mga hindi kanais-nais na mga dayuhan.—mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)