Umapela si Senador Francis Pangilinan sa gobyerno na maghain ng diplomatic protest laban sa China kasunod ng pagbangga at pagpapalubog ng Chinese vessel sa isang Filipino fishing vessel sa Benham Rise.
Ayon kay Pangilinan, ang pang-iiwan pa ng naturang Chinese vessel sa mga biktimang Pilipino ay iligal at walang anumang bansa sa mundo ang mananahimik sa ganitong kalupitan.
Aniya, panahon na para pag-isipan at baguhin ng gobyerno ang polisiya nito na pabor sa China gayong ganito naman ang pagtrato sa mga Pilipino.
Mahigit 20 mga mangingisdang Pilipino ang pinabayaan ng Chinese vessel sa dagat at maswerte namang sinaklolohan ng mga mangingisdang Vietnamese na nasa lugar.
DFA sa panawagang maghain ng diplomatic protest vs. China
Hihintayin muna ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat ng West Philippine Task Force kaugnay sa banggaan ng barkong pangisda ng mga Filipino at Chinese.
Ayon kay Foreign Affairs sec. Teodoro Locsin Jr., bagama’t nakarating na sa kaniyang kaalaman ay ibabatay niya ang kaniyang susunod na hakbang sa magiging ulat ng task force.
Ito ang naging tugon ng kalihim kasunod ng mga panawagan na maghain na ng diplomatic protest laban sa China.
Giit naman ni Locsin, marapat lamang na kondenahin ang ginawang pang-iiwan ng mga Chinese sa mga Pilipinong mangingisda lulan ng bangkang kanilang nabangga.
Sa panulat ni Jennelyn Valencia