Hinimok ng Malakanyang ang lahat ng mga Filipinong botante na makibahagi at gamitin ang kanilang karapatang bumoto sa Lunes, Mayo 13, araw ng halalan.
Sa pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kanyang pinaalalahanan ang publiko kaugnay ng kahalagahan ng pagboto.
Ayon kay Panelo, ang pagboto ang maituturing na pinakamalakas na paraan ng pagkilos ng mamamayan sa isang demokratikong lipunan.
Kasabay nito, nananawagan naman ang kalihim sa mga kandidato na tiyaking susundin ng kanilang mga taga-suporta ang isang tapat, maayos, mapayapa at kapanipaniwalang halalan.
Batay sa tala ng Comelec, aabot sa mahigit 61.8 milyong Filipino ang nakapagparehistro para sa May 13 elections.
Palasyo may babala sa Comelec at Smartmatic
Pinatitiyak ng Malakanyang sa Commission on Elections (Comelec) at sa contractor na Smartmatic ang kanilang kahandaan sa gaganapin halalan sa Lunes, Mayo 13.
Gayundin ang pagtupad sa kanilang tungkulin para sa isang malinis, tapat at mapayapang halalan alinsunod na rin sa isinasaad sa saligang batas.
Ito ang naging paalala ng malakanyang matapos makarating sa kanila ang pangamba ng ilan sa umano’y mga naganap na dayaan sa overseas absentee voting para sa 2019 midterm elections.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi kukunsintihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sinumang masasangkot sa dayaan.
Babala ni Panelo, may mga hakbang ang pangulo para matukoy ang mga sangkot sa dayaan at kung papaano mapapanagot ang mga ito sa batas.