Hinimok ng Malakanyang ang lahat ng mga filipino na gawing inspirasyon ang naging buhay at katapangan ng bayaning Andres Bonifacio sa gitna ng mga problemang kinahaharap ng bansa.
Ito ang naging sentro ng mensahe ng Malakanyang kasabay ng paggunita sa ika-156 na anibersaryo ng kaarawan ng ama ng rebolusyon na si Andres Bonifacio.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, dapat tularan ng mga filipino ang katapangang ipinakita ni Bonifacio nang labanan noon ang mga dayuhang mananakop sa bansa.
Gawin aniya itong halimbawa sa paglaban sa kasalukuyang problemang bumabalot sa Pilipinas tulad ng kahirapan, kurapsyon at ang maituturing na modernong kasamaang dulot ng iligal na droga at terorismo.
Hinikayat din ng Malakanyang ang lahat ng Filipino na maging mga modernong bayani para magbigay daan sa susunod na henerasyon sa pagsasabuhay ng kultura ng pagmamahal at kabayanihan.