Idinepensa ng Malakanyang ang tila pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng pagbangga at pag-abanduna ng isang Chinese fishing vessel sa bangkang pangisda ng mga Filipino sa Recto o Reed Bank sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos kwestiyonin ng mga kritiko ng pangulo ang pananahimik nito sa usapin kung ikukumpara sa isyu ng basura ng Canada.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, magkaiba ang sitwasyon sa dalawang isyu kaya hindi dapat ito ikinukumpara.
Aniya, limang taon nang usapin sa bansa ang basura ng Canada habang ilang araw pa lamang mula nang mangyari ang banggaan ng bangka ng mga mangingisdang Pilipino at Chinese fishing vessel.
Iginiit pa ni Panelo, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa pangyayari kaya hindi pa nagsasalita sa isyu si Pangulong Duterte.