Kinontra ng palasyo ang pananaw ng Philippine Election 2022 International Observer Mission na hindi nakatugon ang Pilipinas sa pamantayan ng malaya at patas na eleksiyon.
Ayon kay acting Presidential Spokesman Martin Andanar, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi noong Mayo 11 sa kanyang Talk to the People na malinis at walang naganap na irregularidad sa naganap na halalan noong Mayo a-nuwebe.
Aniya dapat na igalang ng publiko ang naging resulta ng eleksiyon at bigyan ng pagkakataon ang mga nanalong kandidato na tuparin ang kanilang mga inilatag na plataporma sa taong-bayan.
Binigyang-diin naman ng tagapagsalita na ipinauubaya na nila sa Commission on Elections (COMELEC) ang pagsagot sa naturang obserbasyon ng Philippine Election 2022 International Observer Mission hinggil sa nakalipas na eleksiyon.