Mananatili at susundin ng pamahalaan ang nabuo nitong roll out plan para sa bakuna kontra COVID-19.
Ito ang iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque, bilang tugon sa mungkahi ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa pamahalaan na huwag gumamit ng mga sasakyan ng militar sa paghahatid ng mga bakuna.
Ayon kay Roque, hindi nila pakikinggan ang naturang hiling ng CPP at tiniyak na masusunod ang nauna nang plano ng pamahalaan.
Aniya, binuo ang nabanggit na vaccination rollout plan sa tulong ng mga pangunahing eksperto sa bansa.
Binigyang diin ni Roque, bagama’t may kalayaang maghayag ng saloobin ang CPP, hanggang doon na lamang aniya iyon at hindi pakikinggan ng pamahalaan dahil tinukoy na ang grupo bilang terrorista.