Aabot ng P2 bilyon ang dapat bayarang buwis ng Pharmally Pharmaceuticals Corporation at mga supplier nito.
Ito ang inamin ni Raymond Abrea, President at CEO ng Asian Consulting Group, base sa mga pinirmahan at isinumiteng financial statements habang kasama sa babayaran ang Value Added Tax o VAT, income, earning at donors taxes sa lahat ng idineklara sa audited financial statements.
Nagisa rin sa Senate Blue Ribbon Committee hearing ang kumpanyang Tigerphil Marketing Corporation na isa sa mga supplier ng mask ng pharmally matapos umaming hindi sila agad nagbayad ng buwis.
Gayunman, iginiit ng Tigerphil na nagbayad na sila sa BIR noong Setyembre kasama na ang penalties na umabot sa P1,130,000 at dahil umano sa pandemya kaya hindi sila nakapagbayad nang tamang buwis.
Ayon kay Committee Chairman at Senator Richard Gordon, napilitang magbayad nang tamang buwis ang Tigerphil matapos mahuli ng kumite.
Ikinairita naman ni Gordon nang malamang hindi lang sa Tigerphil kumuha ng supplies ang Pharmally dahil lumitaw na ang Tigerphil ay kumuha rin ng supply sa isa pang kumpanya na green trends.— sa panulat ni Drew Nacino mula sa ulat mula kay Cely Ortega-Bueno