Aminado ang Palasyo na hindi natupad ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino ang lahat ng ipinangako nito noong nakaraang State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma marami nang nagawa ang Pangulo, subalit mayroon pa din itong hindi natatapos.
Sinabi ni Coloma na nararapat lamang na bigyan ng pagkakataon ang Pangulo na matapos ang lahat ng kanyang mga plano lalo na at mayroon pa siyang halos isang taon sa puwesto.
Huling SONA
Samantala, tiyak na magpapaalam na ang Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang gagawing State of the Nation Address (SONA) mamayang hapon.
Ayon kay Senator Chiz Escudero, maliban sa pagpapahayag ng estado ng bansa tiyak na ilalatag din ng Pangulo ang kanyang mga nagawa sa nakalipas na limang taon at ang kanyang mga gagawin pa sa nalalabing ilang buwan.
Umaasa naman si Senator Grace Poe na magiging sentimental ang SONA ng Pangulo dahil ilalahad nito ang lahat ng kaniyang nagawa sa mga nakalipas na taon.
Samantala, bagsak na grado naman ang ibinigay ni Senator Nancy Binay sa Pangulo, at sinabing bagamat naibalik nito ang tiwala ng investors, hindi naman nito naparamdam sa publiko ang umano’y pag-unlad ng bayan.
By Katrina Valle | Aileen Taliping (Patrol 23) | Cely Bueno (Patrol 19)