Inihahanda na ng Office of the President ang executive order (EO) para sa binuong task force ni Pangulong Rodrigo Duterte para tumutok sa rehabilitasyon sa mga lugar na pinadapa ng magkakasunod na bagyo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, tatawagin ito bilang ‘Build Back Better Task Force’ na pangungunahan naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Mababatid na kabilang sa naturang task force ang Agriculture Department, Works and Highways, Budget Department, Social Welfare and Development, Irrigation Administration, Electrification Administration, at iba pa.
Bukod pa rito, pinatutulong din ang iba’t-ibang security forces ng bansa gaya ng Coast Guard at Navy para magbigay ng karagdagang tulong.
Kasunod nito, hiniling ni Secretary Roque na ‘wag munang batikusin ang task force lalo’t hindi pa man napipirmahan ng pangulo ang EO.
Sa huli, iginiit nito na layon ng task force na magkaruon ng isang ‘permanent body’ na tututok sa post-rehabilitation at recovery program.