Ipinauubaya na ng Malacañang sa Kongreso ang desisyon kung sisiyasatin nito ang hinihinalang katiwalian at irregularidad sa paggamit ng pondo ng gobyerno sa 30th Southeast Asian Games (SEA Games) noong 2019.
Ginawa ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag matapos sabihin ni House Committee on Good Government and Public Accountability chair Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado na handa ang kanyang panel na magsagawa ng imbestigasyon kung paano ginamit ang bilyun-bilyong pisong pondo ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na pinamunuan ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.
Bagama’t lumikha na ng fact-finding committee ang Office of the Ombudsman para himayin ang kaso, ipinaliwanag naman ni Roque na malaya ring magsagawa ng hiwalay na pagsisiyasat ang Kamara sa mga isyung bumabalot sa biennial sports meet.