Ipinauubaya na ng Palasyo sa mga botante ang pagpili ng napipisil nilang party-list group para sa May 9 elections.
Ito’y sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang progresibong party-list groups ay umaakto bilang “legal fronts” ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Ayon kay Acting Presidential Spokesman at Communications Secretary Martin Andanar, may kalayaan ang publiko na pumili at maghalal ng mga leader na kanilang pinaniniwalaang makapagsisilbi sa bayan.
Hindi naman na anya bago na may ilang organisasyon o indibidwal na kaalyado ng mga komunistang grupo ang matagal nang gustong makapasok sa gobyerno sa pamamagitan ng mga party-list group o pagsuporta sa ilang kandidato.
Gayunman, naniniwala si Andanar na ang mga botante ay may karapatan na maghalal ng nais nilang kandidato at party-lists alinsunod sa batas.