Itinanggi ng Malacañang ang ulat na sinisimulan nang siraan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng black propaganda para hindi magtagumpay sa kanyang ambisyon na maging susunod na pangulo ng bansa.
Ito ang inihayag ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma matapos akusahan ni Duterte ang Palasyo na kumikilos na para sampahan siya ng kasong may kinalaman sa extra-judicial killings.
Ayon kay Coloma, walang proyekto o anumang programa ang gobyerno para siraan ang alkalde o sinumang tumatakbong kandidato para sa May 9 elections.
Magugunitang ipinagmalaki ni Mayor Digong sa media na nasa 7,000 na ang napapatay nitong mga kriminal at mga sangkot sa sindikato ng droga ng hindi dumaan sa tamang proseso.
Gayunman hindi inaamin ng alkalde ang ulat na mayroon itong death squad sa Davao City kaya kinatatakutan siya ng kanyang mga constituent.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)