Itinanggi ng Malacañang na bahagi ng demolition job ng administrasyon ang parunggit ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga presidentiables sa harapan ng Filipino community sa Rome, Italy.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na isinalarawan lamang ng Pangulo kung anong uri ng mga kandidato ang nakikita at naririnig nila ngayon kahit hindi pa nagsisimula ang opisyal na panahon ng kampanya.
Ayon kay Lacierda, ganito rin naman ang ginagawa ng mga opposition candidates kung saan minamaliit ang mga nagawa ng administrasyon para lamang makapagpasikat sa publiko.
Matatandaang walang pinalagpas na presidentiable ang Pangulo sa kanyang mga pinarunggitan gaya ng magnanakaw ng kaban ng bayan, yung isa nananaginip ng bagong umaga, mayroon umanong pumapatay, habang ang isa pang kandidato ay nakabatay ang boto sa social media gaya ng facebook.
Sinabi ni Lacierda na marami ng nangyaring magaganda sa loob ng nakalipas na limang taon at maipagpapatuloy lamang ito kung magiging matalino ang mga botante sa pagpili ng susunod na presidente.
By: Aileen Taliping (patrol 23)