Mariing itinanggi ng Malakanyang na gumastos si Pangulong Rodrigo Duterte ng sobra-sobra sa itinakda ng batas sa panahon ng kampanya noong 2016 Presidential election.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, walang nilalabag o lalabaging batas si Pangulong Duterte dahil ito aniya mismo ang nagpapatupad ng batas.
Iginiit ni Panelo, maituturing na espekulasyon lamang ang mga pahayag ng election watchdog na kontra daya kaugnay ng umano’y pag-overspend ng Pangulo noong kampanya.
Dagdag ng kalihim, nakahanda rin humarap sa anumang imbestigasyon ang Pangulo hinggil sa mga akusasyon laban sa kanya.
Magugunitang sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo, lumabas na gumastos ng P175-M ang kampo ng Pangulong Duterte para sa commercial spots sa ABS-CBN matapos namang hindi ma-ere ang nasa P7-M halaga ng local ads.
Ayon sa kontra daya, mas mataas ito sa idineklarang nagastos ng kampo ng Pangulo para sa campaign ad na P110-M.