Mariing kinondena ng Malacañang ang ikalawang pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ikinalulungkot nila ang pangyayari kung saan isa ang nasawi at 30 ang nasugatan.
Sinabi ng kalihim na naipaalam na nila kay Pangulong Duterte ang nangyari na kasalukuyang nasa Israel para sa apat na araw na official visit nito.
Samantala, umapela ang Palasyo sa mga taga-Isulan na i-report sa mga awtoridad ang mga mapapansing kahina-hinalang aktibidad para mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng karahasan at mabigyang hustisya ang mga biktima.
Matatandaang isinisi ng mga awtoridad sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang mga nangyaring pagsabog sa Isulan.
—-