Kinumpirma ng Malakanyang na kasama sa kahilingan nilang dagdag na kapangyarihan para sa Pangulong Rodrigo Duterte ang pag take over sa mga pribadong kumpanya kabilang ang telecommunication companies.
Gayunman, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na tinanggal na nila ang salitang take over sa kanilang panukala matapos ng ginawa nilang konsultasyon sa mga mambabatas.
Ipinaliwanag ni Medialdea na standby power lamang sana ng pangulo ang pagtake over sa mga pribadong kumpanya kung sakaling tumindi pa ang krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at wala nang ibang paraan kundi patakbuhin na ng gobyerno ang mga public utilities tulad ng mga hotels, public transportation,mga pribadong ospital at telecommunications companies.
Sinabi ni Medialdea na maaga lamang sana nila itong hinihingi sa Kongreso dahil hindi nila alam kung gaano kabilis maaaring mag convene ang kongreso sakaling dumating na sa punto na kailangan na ng drastic action mula sa gobyerno.